Anim na empleyadong ZAMECO I at isang heavy equipment ang tumungo sa Isabela at Quirino noong Nobyembre 6, 2018 upang tumulong sa pagpapanumbalik ng kuryente sa mga lugar nalubos na nasalanta ng bagyong Rosita nitong Oktubre 2018.
Kabilang ang ZAMECO I at iba pang mga kooperatibang pang-kuryente sa Gitnang Luzon sa Power Restoration Rapid Deployment (PRRD) Task Force Rosita na pinamunuan ng National Electrification Administration (NEA) na may layuning dagdagan ang mga manggagawa ng mga kooperatibang pang-kuryente na naapektuhan ng bagyo at magbigay ng kinakailangang tulong upang maibalik ang serbisyo ng kuryente nang ligtas sa lalong madaling panahon.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpadala tayo ng mga empleyado at nakiisa sa mga task force upang tumulong sa mga electric cooperatives na nasalanta ng bagyo. Matagal na itong ginagawa ng ZAMECO I, kasama ang iba’t ibang electric cooperatives sa bansa. Sa katunayan, ay sinundo lang din natin noong Oktubre ang grupo na tumulong sa Cagayan na nasalanta ng baygong Ompong,” pahayag ni Engr. Rene A. Divino, General Manager ng ZAMECO I.
Apat na lineman at dalawang heavy equipment operator ang bumuo sa grupo ng ipinadala ng ZAMECO I sa Isabela at Quirino. Tinatayang mananatili ang grupo sa mga nasalantang lugar ng 2 – 3 linggo hanggang maisaayos ang mga natumbang poste, nasirang linya at mapanumbalik ang kuryente.