
POWER RATES FOR AUGUST 2026
Residential: ₱12.8025 → ₱12.9115/kWh (+₱0.1090)
Lw Voltage: ₱12.0172 → ₱12.1181/kWh (+₱0.1009)
High Voltage: ₱10.2118 → ₱9.9248/kWh (−₱0.2870)
Nais ipaalam ng ZAMECO I sa lahat ng mga Member-Consumer-Owners (MCOs) na ang singil sa kuryente para sa mga residential consumer sa Agosto 2026 ay ₱12.9115 kada kilowatt-hour (kWh). Ito ay tumaas ng ₱0.1090/kWh kumpara sa singil noong Hulyo 2026 na ₱12.8025/kWh.
Tumaas din ang singil para sa Low Voltage sa ₱12.1181/kWh (dagdag na ₱0.1009/kWh), samantalang bumaba naman ang singil para sa High Voltage sa ₱9.9248/kWh (bawas na ₱0.2870/kWh), kumpara noong Hulyo 2026.
ANG PANGUNAHING DAHILAN NG PAGTAAS NA ITO AY ANG PAGTAAS NG TRANSMISSION CHARGE AT FIT-ALL, SAMANTALANG BUMABA NAMAN ANG GENERATION CHARGE AT TAXES/VAT.
Para sa Agosto 2026, bumaba ang Generation Charge ng ₱0.4353/kWh kumpara noong Hulyo 2026. Ang generation charge ay nakabatay sa halaga ng biniling kuryente mula sa power suppliers at market, kaya maaari itong magbago depende sa kondisyon ng supply, demand, at presyo sa merkado ng kuryente.
Bukod dito, tumaas ang Transmission charge ng ₱0.3960/kWh at ang System Loss charge ng ₱0.0586/kWh, samantalang bumaba naman ang Taxes/VAT ng ₱0.0451/kWh, kumpara sa Hulyo 2026.
Tumaas din ang FIT-All mula ₱0.2011/kWh patungong ₱0.3359/kWh (dagdag na ₱0.1348/kWh), alinsunod sa ERC Order na inilabas noong Hulyo 31, 2026, na nagbibigay ng provisional authority sa TransCo na ipatupad ang CY 2026 FIT-All Working Capital Allowance (WCA) Rate Adjustment, epektibo sa billing period ng Hulyo 26 hanggang Agosto 25, 2026.
Sa kabilang banda, nananatiling suspendido ang koleksyon ng GEA-All charge na ₱0.0371/kWh para sa Agosto 2026. Ayon sa ERC Advisory na inilabas noong Agosto 19, 2026, pinalawig pa ang temporary suspension na ito upang saklawin ang buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2026.
Alinsunod sa ERC Advisory na inilabas noong Mayo 5, 2026 sa ilalim ng Executive Order No. 110, ipinatupad ng ZAMECO I ang Staggered Payment Scheme o ang paghahati-hati ng kabuuang singil ng generation charge sa mga susunod na billing periods, upang mabawasan ang agarang epekto ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa bill ng mga MCO.
Para naman sa distribution charge ng ZAMECO I, nananatili itong ₱1.4640/kWh — hindi ito nagbago mula pa noong 2011, na nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng kooperatiba na mapanatiling stable ang cost sa distribusyon ng kuryente para sa kanilang mga MCO.
Ang singil sa kuryente ay maaaring magbago buwan-buwan bunga ng kalagayan ng merkado at pagbabago sa halaga ng supply ng kuryente.
Hinihikayat ng ZAMECO I ang lahat ng MCOs na magsagawa ng mga responsableng gawain sa paggamit ng kuryente at gumamit ng mga energy-efficient na kagamitan at pamamaraan upang makatulong sa pagkontrol ng kanilang buwanang konsumo at bayarin sa kuryente.
Paalala rin po sa ating mga MCOs na ang pagbabayad ng buwanang bayarin sa takdang oras ay makatutulong upang maiwasan ang paglaki ng halagang dapat bayaran at ang posibleng pagkaputol ng serbisyo ng kuryente.